5.26.2008 @ 11:28:00 AM
KARATULA.
Kinauhapunan na ng ika-6 ng Marso noong aking natatandaang naglalakad ako patungo sa tindahan ni Manong Karatula. Sa aking sariling pag-aabala sa kinangangambang mga bagay bagay, hindi ko na namalayan na unti-unti na palang pumapatak ang ulan. At saka ko na lamang ito napagtanto nang basa na ang aking mukha at hindi ko na makita ang aking dinaraanan.
Hindi ko na maalala kung bakit ako nagtungo kay Manong Karatula. Ang aking natatandaan na lamang ay ang mga sinabi ko sa kaniya. "Manong Karatula, mukhang malakas na ang ulan at tila nababasa na ang iyong mga paninda. Hindi ba kayo magsasara ng panandalian?"
At ang sabi niya sakin, "Naku, hindi. Sapagkat maaaring mayroong mangailangan ng malunggay na gagamitin sa paghanda ng panghapunan, o 'di rin kaya naman isang bote ng Coke Lite."
Inaamin ko, hindi ko na naintindihan ito, at hindi na naghangad umintindi pa. Dali-dali akong umuwi na dala-dala ang kung ano mang aking binili sa aking kamay. Ang alam ko lamang ay ni minsan, hindi nagsasara ng tindahan si Manong Karatula, panandalian man o hindi.
Ito'y nakapagtataka sapagkat wala naman masyadong tumatangkilik sa kanyang mga paninda, sa kadahilanan na ang lokasyon niya ay hindi makatarungang lakbayin pa (Iyon ang iniisip ng baryo). Bakit pa nga ba paghihirapang maglakad sa dulo ng kasikip na eskinita upang makabili lamang ng isang pakete ng Chippy, kung mayroon namang ibang mas malapit, hindi ba?
At sa tuwing tanungin man siya kung bakit ganito ay lagi niyang dinadahilan na baka may mangailangan ng sari-saring mga kagamitan. Naroon lamang siya. Nag-aabang ng mamimili o kahit mananalaw man lamang.
Naghihintay...
Iyon na lamang ang huli kong pagkikita kay Manong Karatula.
0 comments
back to top?